Nakatakdang maghain ang Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) ng motion to break open para mabuksan ang nasa 53 na mga vault na nakumpiska sa na-raid na POGO hub sa Pampanga.
Ito ang kinumpirma ni PAOCC Spokesperson Winston Casio sa ginawa nilang pag-iikot ngayong araw sa na-raid na POGO hub sa Pampanga kasama si Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian at ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Paliwanag ni Casio, kailangan kasi ng presensya ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pagbubukas ng mga vault para sa transparency.
Kasabay nito ay mag-aapply rin ng warrant to examine computer data ang PNP CIDG para mabuksan ang mga nakumpiskang mga computer at laptop sa na-raid na POGO hub.
Naniniwala kasi ang mga awtoridad na nandito rin sa mga computer na ito ang ilan sa mga ebidensyang magagamit sa paghahin ng reklamo laban sa mga persons of interest sa kaso ng POGO hub na ito.
Sa ngayon, mayroon nang 12 na persons of interest ang PAOCC na may kaugnayan sa mga ilegal na POGO dito sa Pampanga.
Nakatakda ring maghain ang PAOCC sa Department of Justice ng mga kasong kidnapping at serious physical injuries sa mga sangkot sa kasong ito. | ulat ni Nimfa Asuncion