Nakatakdang magbukas ang 12 istasyon ng Metro Rail Transit Line-7 sa Quezon City sa huling bahagi ng taong 2025.
Sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas, sinabi ni Transportation Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino na inaasahan namang matatapos ang Tala Station sa Caloocan City sa taong 2026.
Habang ang San Jose del Monte Station sa Bulacan ay sa 2027 dahil sa mga isyu sa pag-aayos ng ruta.
Sa kasalukuyan, ang kabuuang progreso ng MRT-7 ay nasa 69.86% na. Ang MRT-7 Line ay magkakaroon ng 14 na stations na magkokonekta sa Quezon City at San Jose del Monte sa Bulacan.
Kapag natapos ang proyekto, inaasahan na mababawasan ang oras ng biyahe mula Quezon City hanggang San Jose Del Monte sa loob lamang ng 35 minuto.
Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Department of Transportation (DOTr) sa lokal na pamahalaan ng San Jose Del Monte upang maisaayos ang ruta at mas mapaglingkuran ang mga residente ng Bulacan. | ulat ni Diane Lear