Matagumpay na nailahad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang interes ng Pilipinas sa ginawa nitong pagsasalita sa nakaraang Shangri-La Dialogue kung saan ay natalakay ang isyu ng West Philippine Sea.
Ito ang sinabi ni retired rear admiral Rommel Jude Ong na ngayo’y Professor of Praxis ng Ateneo De Manila University School of Government.
Importante ani Ong na nabigyang diin ng Chief Executive ang interes ng bansa at naipresenta nito na hindi nakabase ang galaw ng Pilipinas sa udyok o interes ng Amerika kundi sa sarili nitong polisiya at hindi ng ano pa mang bansa.
Bukod dito ay nagawa din ani Ong ng Pangulo na mabigyang diin ang aniya’y dapat na pagkakapantay-pantay sa international law kung saan ay dapat na parehas ang karapatan ng malalaki at maliliit na bansa.
Dagdag ni Ong na naging maingat din ang Chief Executive sa kanyang naging talumpati sa Shangri-La Dialogue at hindi naman nito direktang binanggit ang China sa kanyang points of speech na mayroong isyu ang Pilipinas sa Tsina.
Marami aniyang tinarget na audience sa speech ng Pangulo at masasabing makabuluhan o substantive ang pagkakalatag ng plataporma. | ulat ni Alvin Baltazar