Winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tone-toneladang iligal na droga na nagkakahalaga ng mahigit ₱9-na bilyong halaga ng iligal na droga sa Integrated Waste Management, Inc. (IWMI), Barangay Aguado, Trece Martires City, Cavite.
Kabilang sa mga winasak, ayon sa PDEA, ang pinakamalaking bulto ng droga na naharang at nasamsam kamakailan sa isang checkpoint sa Alitagtag, Batangas.
Sinunog ang mga droga sa pamamagitan ng thermal decomposition upang tuluyang hindi na magamit o mapakinabangan pa.
Sinaksihan ang pagsira ng mga kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), PhilippineNational Police (PNP), at mga lokal na opisyal ng Barangay Aguado, Trece Martires City.
Tiniyak ng PDEA na patuloy ang kanilang mabilis na pagsira sa mga nakukumpiskang iligal na droga matapos magamit sa Korte bilang ebidensya upang maiwasan ang recycling ng mga ito. | ulat ni Diane Lear