Mahigit sa 1,000 na benepisyaryo mula sa Pasig City ang nabigyan ng serbisyo ng Peoples Caravan na ikinasa ng National Housing Authority (NHA).
Ayon kay NHA Assistant General Manager Alvin Feliciano,naging matagumpay ang peoples caravan na idinaos sa Karangalan Village, Barangay Manggahan, isang proyektong pabahay ng NHA.
Iba’t ibang serbisyo ng mga government agencies at mga pribadong kumpanya ang inialok sa benepisyaryo mula sa Karangalan Village Phases 1, 2, at 3, at NHA MRH Karangalan Village Condominium Project, Inc.
Nalampasan nito ang ang inisyal na target na 700 benepisyaryo.
Ang pakikipag-ugnayan ng NHA sa iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno ay naglalayong mailapit ang libreng pampublikong serbisyo.
Ilang government agencies na sumali sa Caravan ang Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Pag-IBIG Fund, Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Pasig local government unit (LGU), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Public Attorney’s Office (PAO), Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensya.
Labing anim(16) na pribadong kumpanya mula sa industriya ng marketing, health, shipment, at business process outsourcing (BPO) ang sumali sa isinagawang job fair. | ulat ni Rey Ferrer