Nakatanggap ang Philippine Navy ng donasyong 190 kahon ng pagkain mula sa pribadong sektor para sa mga tropang nagbabantay sa West Philippine Sea.
Ayon kay Navy Spokesperson Commander John Percie Alcos, naging posible ang donasyon sa pamamagitan ng kolaborasyon sa pagitan ng Civil Military Operation Group (CMOG)-PN, at GMA Kapuso Foundation, sa tulong ng Century Pacific Foods, Inc. at Grand Nourriture.
Ang donasyon ay pormal na tinanggap ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr. mula kay GMA Kapuso Foundation Program Support Assistant anager Tracy Cruz; Century Pacific Group Deputy Director Kamille Corpuz; at Grand Nourriture Senior Marketing Executive Matthew Gerard Ho.
Ang hand-over ceremony para sa donasyon na binubuo ng 9,210 assorted food items ay isinagawa sa CMOG-PN headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City kahapon.
Nagpasalamat si RAdm. Adaci sa donasyon na aniya’y testamento ng malakas na suporta ng mga mamamayan sa mga tropa ng Philippine Navy at Marines na nagbabantay sa mga liblib na outpost sa WPS. | ulat ni Leo Sarne
📷: Philippine Navy