Nakiisa si Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. at si First Lady Liza Araneta-Marcos para sa inauguration ng Phase 1C ng Pasig Bigyang Buhay Muli (PBBM) project ngayong araw, na layong muling biglang sigla ang kahabaan ng Pasig River.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng pagpapatuloy ng Inter-Agency Council for Pasig River Urban Development (IAC-PRUD) sa pangunguna ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kasunod ng matagumpay na pagbubukas ng Phases 1A at 1B nitong Enero.
Ang Phase 1C ay magtatampok ng isang palapag na structure na may walkway at mga tindahan sa ibaba na may 32 pwesto na maaaring maupahan. May nakalaan ding bike lane at viewing area ang proyekto.
May kabuuang 250 metrong bahagi ito na mag-uugnay sa esplanade mula Jonses Bridge hanggang Plaza Mexico, na sinasabing magpapabuti sa pedestrian access sa Intramuros.
Bukod pa rito, isang 135 meters boardwalk ang mag-uugnay sa Plaza Mexico at Fort Santiago na magiging bagong daanan patungo naman sa Intramuros.
Sa talumpati ng Pangulo, sinabi nitong buo ang kanilang tiwala ng First Lady sa proyekto. Gayundin ang kanilang suporta hanggang sa inaasahang pagtatapos nito sa susunod na tatlong taon.
May kabuuang haba na 25 kilometro, layon ng PBBM project na i-rehabilitate ang ilog Pasig at i-maximize ang economic potential sa mga nasasakupang lugar sa pamamagitan ng transformation ng mga tabing-ilog bilang mga parke at commercial hub.| ulat ni EJ Lazaro