Tiniyak ng Philippine Coast Guard na gagawin nila ang lahat para maprotektahan ang mga Pilipinong mangingisda na naglalayag sa Bajo de Masinloc.
Sa isang townhall meeting na pinangunahan ni Senate Majority leader Francis Tolentino kasama ang mga mangingisda ng Masinloc, Zambales, sinabi ni PCG Commander Severino Destura Jr. na patuloy ang pagpapatrolya ng coast guard sa Bajo de Masinloc.
Binigyang diin rin ni Destura na walang nagbabawal sa ating mga mangingisda na magpalaot sa Scarborough Shoal.
Payo lang ng coast guard sa mga mangingisda, iwasan nang lumapit o gumawa ng mga hakbang na magpro-provoke sa Chinese Coast Guard.
Pinaalalahanan rin nila ang mga mangingisda ng Masinloc na laging ipaalam sa PCG kung sila ay magpapalaot at ang buong detalye nito gaya ng saan pupunta, gaano katagal maglalayag, ilan ang kasama at ano ang bangkang sasakyan.
Ito aniya ay para ma-monitor nilang maigi ang galaw ng ating mga mangingisda.| ulat ni Nimfa Asuncion