Sinegundahan ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad ang pahayag ng National Security Council (NSC) na “absurd” ang sinabi ng Chinese Foreign Ministry na kailangang magpaalam ang Pilipinas sa China bago pumasok sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Trinidad, walang karapatan na mag-demand ng anuman ang China pagdating sa Ayungin Shoal dahil dapat ay wala sila sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Giit ni Trinidad, hindi susunod ang Pilipinas sa anumang kondiyson ng China sa Ayungin Shoal dahil hindi kinikilala ng Pilipinas ang kanilang karapatan sa lugar.
Una rito, ay nagpalabas ng pahayag noong Sabado ang NSC kung saan kanilang pinanindigan na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang mga resupply Mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin at sa iba pang outpost ng Pilipinas sa West Philippine Sea na walang paalam kanino man.
Ito’y kasunod ng agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard noong May 19 laban sa isang Filipino vessel na naglilikas ng may sakit na sundalo mula sa BRP Sierra Madre. | ulat ni Leo Sarne