Nakahanda ang Philippine Red Cross (PRC) na magbigay ng tulong sa mga residente na inilikas dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay PRC Chairman Richard Gordon, naka-standby na ang mga water tanker, food truck, at iba pang kagamitan para sa mga apektadong residente.
Nakipagpulong si Gordon sa mga tauhan ng PRC upang matiyak na sapat ang mga suplay na ipadadala sa mga evacuation center.
Tinatayang aabot sa 8,000 katao ang posibleng maapektuhan ng pagputok ng bulkan.
Agad na nakipag-ugnayan ang PRC Negros Occidental Bacolod Chapter sa mga lokal na pamahalaan at nagtungo sa mga evacuation center sa La Castellana at La Carlota City.
Naglagay sila ng first aid station, namigay ng face mask, at nagsagawa ng welfare tracing para sa mga evacuee.
Patuloy na binabantayan ng PRC ang sitwasyon at nakahanda silang magpadala ng karagdagang tulong kung kinakailangan.| ulat ni Diane Lear