Tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental at Negros Oriental.
Mahigit 250 indibidwal na nasa evacuation centers ang nakatanggap ng pagkain, tubig, at iba pang pangangailangan mula sa PRC.
Bukod sa pagkain at tubig, nagtayo rin ang PRC ng first aid at welfare stations sa mga evacuation center sa La Carlota at La Castellana.
Nagsagawa rin ang PRC ng mga child-friendly activity para sa mga bata at hygiene promotion.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, walang humpay sa pagtulong ang PRC sa mga lumikas na pamilya sa Negros.
Bukod sa pagkain at psychosocial support, namahagi rin ang kanilang mga volunteer ng N95 masks sa regional health unit ng Negros Oriental.
Tiniyak ng PRC magpapatuloy ang kanilang tulong hanggang sa maibalik sa normal ang sitwasyon sa lalawigan.| ulat ni Diane Lear