Kinumpirma ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang rocket launch na Long March 7A ng People’s Republic of China.
Pinalipad ang rocket mula sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan dakong alas-7:57 kagabi, Hunyo 29, 2024.
Sa abiso ng PhilSA, posibleng bumagsak ang debris ng rocket sa ilang natukoy na drop zone na humigit-kumulang 75 nautical miles ang layo mula sa Burgos, Ilocos Norte, at 126 nautical miles ang layo mula sa Sta Ana, Cagayan.
Bagama’t walang bumagsak na debris sa kalupaan, may potensyal itong panganib sa mga sasakyang pandagat at pang himpapawid at posible ring anurin sa mga coastal area.
Pinayuhan ng PhilSA ang publiko na ipaalam sa local authorities kung may makitang debris.
Pinag-iingat din ang publiko sa pagkuha ng bumagsak na materyales na posibleng nagtataglay ng toxic substances tulad ng rocket fuel. | ulat ni Rey Ferrer