Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na dapat seryosohin ang pagsasagawa ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) upang paghandaan ang pagtama ng magnitude 7.2 na lindol o ang “the big one.”
Sa isang pulong balitaan kasabay ng 2nd Quarter NSED ngayong hapon sa Pasig City, sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol, na dapat itong seryosohin para alam ng lahat ang gagawin sakaling tumama ito.
Dagdag pa ni Dir. Bacolcol, may 175 na active fault ang Pilipinas at kabilang na rito ang West Valley Fault na maaaring gumalaw sa pagitan ng 400 hanggang 600 years o sa 2058.
Kaya naman dapat aniyang maghanda dahil posibleng mapaaga ang pagtama nito. | ulat ni Diane Lear