Nilinaw ng PHIVOLCS Kanlaon Volcano Observatory sa La Carlota City, Negros Occidental na hindi pa kumpirmadong lahar ang naiulat na umagos sa ilang daanan ng tubig sa La Castellana at Moises Padilla na parehong bayan sa lalawigan na malapit sa bulkan.
Ayon kay Darryl Aro, Science Analyst ng PHIVOLCS -La Carlota Substation, sa ngayon patuloy na sinusuri ng kanilang team ang nangyari at batay sa kanilang initial assesment, maituturing lang ito na mud flow.
Paliwanag ni Aro, hindi kagaya ng lahar sa Pinatubo na may kasama na naglalakihang bato, lumalabas sa inisyal na pagsusuri na purong abo ang kasama ng tubig na dumaloy sa mga water channel ng dalawang bayan ngayong hapon.
Sa kabila nito, pinag-iingat pa rin ng PHIVOLCS ang mga residente at pinaiiwas sa pagpasok sa loob ng 4 kilometer radius Permanent Danger Zone habang patuloy na binabantayan ang kondisyon ng bulkan. | ulat ni JP Hervas| RP1 Iloilo