Naglabas ng lahar advisory ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Bulkang Kanlaon dahil sa patuloy na banta ng lahar flow sa ilang lugar sa Negros.
Ayon sa PHIVOLCS, batay sa weather forecast mula sa PAGASA, inaasahang magdadala ng malalakas na pag-ulan ang thunderstorms na maaaring magresulta sa volcanic sediment flows, muddy stream flow, o muddy run-off sa mga ilog at drainage areas ng bulkan.
Una nang napaulat ang lahar sa ilang lugar sa Negros kahapon dahil din sa mga pag-ulan. Naitala ito bandang ala-una kahapon na tumagal ng 25 minuto.
Kabilang sa naapektuhan nito ang Tamburong Creek sa Biak-na-bato at Calapnagan, La Castellana; Intiguiwan River sa Guinpanaan at upstream Baji-Baji Falls sa Cabacungan, La Castellana; Padudusan Falls, Masulog, Canlaon City; at sa Binalbagan River.
Ayon sa PHIVOLCS, umapaw ang lahar sa Tamburong Creek na umabot hanggang sa main road sa Biak-na-Bato.
Patuloy na inaabisuhan ang mga komunidad sa lugar na mag-ingat at palagiang i-monitor ang lagay ng panahon. | ulat ni Merry Ann Bastasa