PHIVOLCS, wala nang inaasahang iba pang pagsabog ng Bulkang Kanlaon; Publiko, binalaan laban sa abo, gas mula sa bulkan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Iniulat ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Teresito Bacolcol na walang nangyaring iba pang pagsabog sa Kanlaon Volcano simula nang pumutok ito ng anim na minuto noong Lunes ng gabi.

Gayunpaman, pinayuhan ni Bacolcol ang mga residente sa paligid na mag-ingat laban sa volcanic ash at gas.

Dagdag pa niya, ang mga taong sensitibo sa S02 ay ang mga may kondisyong pangkalusugan tulad ng hika, sakit sa baga at puso, gayundin ang mga bata, matatanda, at buntis.

Aniya, nakatanggap ang PHIVOLCS ng mga ulat ng sulfuric odor sa Bago City; Lungsod ng La Carlota; La Castellana; at Canlaon City noong Lunes.

Mayroon lamang 43 volcanic earthquakes ang naitala sa bulkan mula alas-2 ng umaga hanggang tanghali ng Martes.

Ang pagsabog noong Lunes ng gabi na nagdulot ng pagbuga nito ng plume na may 5,000 metrong taas ay halos magkatulad noong sumabog ang Kanlaon noong December 9, 2017, na nagdulot ng apat na kilometrong haligi ng pagsabog.

Samantala, sinabi ni Bacolcol na kailangan nila ng karagdagang impormasyon upang masuri kung ang pinakahuling pagsabog ay phreatic o magmatic o kung parehong phreatic at magmatic.

Nananatiling nakataas sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone.

Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan. | ulat ni Mary Rose Rocero

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us