Tiwala ang mga rice retailer sa Pasig City Mega Market na kayang pababain ang presyo ng bigas matapos na aprubahan ang bawas taripa sa mga imported na bigas.
Gayunman, sinabi ng mga nagtitinda na posible lamang na maabot ng Pamahalaan ang Php 29 kada kilo ng bigas kung ibabalik sa mga pamilihanang NFA rice.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nasa Php 60 ang kada kilo ng ilang imported rice mula Thailand, Vietnam gayundin ang variety na Coco Pandan.
Pag-amin pa ng mga rice retailer, hirap silang maibaba ang presyo nito sa Php 50 kada kilo dahil sa mahal din ang singil ng kanilang mga supplier na nagbabagsak sa kanila ng bigas.
Nanawagan naman ang mga ito sa Pamahalaan na tiyaking hindi mapagsasamantalahan ang mababang taripa sa mga inaangkat na bigas dahil baka itago lang ito ng mga importer.
Una rito, inaprubahan sa katatapos lang na NEDA Board meeting ang 15 porsyentong bawas taripa sa bigas mula sa dating 35 porsyento.
Ayon sa National Economic and Development Auhority (NEDA) inaasahang mararamdaman sa Hulyo o Agosto ang mas mababang presyo ng bigas sa mga pamilihan. | ulat ni Jaymark Dagala