Nagsagawa ng joint maritime exercise ang Philippine Coast Guard (PCG), Directorate General of Sea Transportation (DGST) ng Indonesia, at Japan Coast Guard (JCG) upang palakasin ang kakayahan sa pagresponde sa oil spill at iba pang maritime emergency.
Ito ay sa ginaganap na Regional Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) 2024 kung saan nagsagawa ang PCG, DGST, at JCG ng mga pagsasanay sa firefighting, search and rescue (SAR), at oil spill response sa karagatan malapit sa Guimaras Strait sa Western Visayas.
Layunin ng pagsasanay na ito na protektahan ang mga karagatan tulad ng Sulu at Celebes Sea, mapanatili ang kaayusan batay sa mga alituntunin, at paigtingin ang kakayahan sa pagresponde sa oil spill sa mga pangunahing sea lane.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil L Gavan, ang pagsasanay na ito ay mahalaga dahil sa tumataas na maritime traffic at banta ng oil spill sa rehiyon.
Ang MARPOLEX ay ginaganap kada dalawang taon bilang pagpapatupad ng 1981 Sulawesi Sea Oil Spill Response Network Plan Agreement. | ulat ni Diane Lear
📷: PCG