Tinanggap ng Pilipinas ang samu’t saring papuri mula sa iba’t ibang grupo at organisasyon dahil sa mahusay umano nitong pagho-host ng United Nations (UN) Tourism Forum on Gastronomy Tourism for Asia and the Pacific.
Ginanap ang nasabing pagtitipon sa lalawigan ng Cebu nito lamang ika-26 ng Hunyo kung saan samu’t saring papuri ang natanggap ng Pilipinas bilang host ngayong taon at epektibong pag-promote ng kultura at pagkaing Pilipino.
Sa kaganapan, ipinahayag ni Idoia Calleja ng Basque Culinary Center ang kanyang paghanga sa event na pinangunahan ng Department of Tourism (DOT), na nagsilbing mahalagang platform para sa palitan ng mga ideya at pagbabahagi ng best practices sa food tourism.
Pinuri din ni UN Tourism Secretary-General Zurab Pololikashvili, ang mga pagsisikap ng Pilipinas upang maging host ng regional forum, at binigyang-diin ang mahalagang papel ni DOT Secretary Christina Garcia Frasco sa pag-secure ng kaganapang ito sa Cebu.
Iminungkahi rin ni Pololikashvili ang posibilidad ng pagtatatag ng sentro ng edukasyon sa gastronomy sa Pilipinas, isang mungkahi na mainit na tinanggap naman ni Frasco. | ulat ni EJ Lazaro