Pormal nang nagsumite ng claim sa United Nations ang Pilipinas para iparehistro ang pinalawak na continental shelf o extended continental shelf (ECS) nito sa Western Palawan sa West Philippine Sea.
Isinagawa ang pagsusumite ng claim ng bansa sa pamamagitan ng Philippine Mission sa UN sa New York nitong ika-14 ng Hunyo na naglalayong masiguro ang karagdagang area sa ilalim ng dagat ng bansa alinsunond sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ayon kay DFA Assistant Secretary Marshall Louis Alferez, ang hakbang na ito ay nagpapakita sa maritime entitlement ng bansa at pagsunod sa proseso ng UNCLOS. Gayundin, ang pagbibigay-diin sa karapatan ng bansa sa yaman nito para sa benepisyo ng susunod na henerasyon. Binigyang-linaw din nito na ang pagsusumiteng ito ay hindi makakaapekto sa mga kalapit-bansa tungkol sa mga lehitimong ECS claims ng mga ito.
Ipinahayag naman ni Ambassador Antonio Lagdameo na sa pamamagitan ng pagsusumiteng ito ay magpapalakas nito ang pagsunod sa UNCLOS at magtataguyod ng isang rules-based na international order.
Pinuri naman ng National Mapping and Resource Information Agency (NAMRIA), ang namuno sa teknikal na grupo sa proyektong ito, ang mga pagsisikap hinggil sa pagkolekta ng mga mahahalagang datos sa nakalipas na 15 taon.
Ito na ang ikalawang ECS submission ng Pilipinas kung saan noong 2012 ay nagresulta ang unang pagsumite nito sa karagdagang 135,506 kilometro kwadradong seabed area para sa Philippine Rise.| ulat ni EJ Lazaro