Malapit nang buksan sa publiko ang susunod na magiging sentro ng turismo sa Walled City of Intramuros, Manila o ang Centro de Turismo Intramuros.
Itinayo sa guho ng dating simbahan ng San Ignacio sa kahabaan ng Calle Arzobispo, ang Centro de Turismo Intramuros ay magiging komprehensibong tourist hub na magiging lagakan ng iba’t ibang ecclesiastical items mula sa panahon pa ng pananakop ng mga Espanyol at iba pang koleksyon at paintings.
May isa ring amphitheater ang ginawa mula sa dating simbahan na maaaring gamitin sa iba’ ibang uri ng kaganapan.
May mga exhibit at artifacts ding tampok sa Centro de Turismo na nagsasalaysay ng makulay na kasaysayan ng Intramuros hanggang sa kasalukuyang panahon.
Nasira sa panahon ng Battle of Manila noong World War II, isa ang San Ignacio Church sa pitong simbahan na nakatindig noon sa Intramuros.
Isinagawa ang restorasyon ng nasabing simbahan sa pangunguna ng Office of the First Lady Liza Araneta Marcos katuwang ang Department of Tourism (DOT) at ang Intramuros Administration na pinondohan sa pamamagitan ng mga donasyon.
Inaasahang bubuksan sa publiko ang Centro de Turismo Intramuros sa darating na June 12, kasabay ng ika-126 na taon ng Araw ng Kalayaan, at bukas mula Lunes hanggang Sabado, 9:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.
Libre ang entrance sa nasabing museo pero inaanyayahan ang lahat na mag-book muna bago bumisita sa pinakabagong atraksyon sa Intramuros, Maynila. | ulat ni EJ Lazaro