Tumutulong na rin ang Philippine National Police (PNP) Maritime Group sa pagsuyod sa mga dalampasigan sa lalawigan ng Ilocos Sur, kasunod ng pagkakadiskubre ng pake-paketeng shabu sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan.
Ayon kay PNP Maritime Group Director Police Brig. Gen. Jonathan Cabal, kasalukuyang kumikilos ngayon ang kanilang Maritime Law Enforcement Teams sa lalawigan katulong ang Coastal Barangay Information Network para i-double check ang mga report ng posibleng ipinupuslit na droga mula sa karagatan.
Sa ngayon ay nasa 42 pakete na ng shabu ang nakuha sa baybaying dagat ng Ilocos Sur matapos marekober kahapon ang 18 pakete sa karagatan ng Villamar, Caoayan, kasunod ng unang natagpuan ang 24 na pakete sa San Juan, sa parehong lalawigan noong Lunes.
Ang mga narkekober na droga ay mataas na uri ng shabu na nakalagay sa mga paketeng may “Chinese marking.”
Ayon naman kay Police Regional Office (PRO) 1 Regional Director Police Brig. Gen. Lou Evangelista, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may natagpuang droga sa karagatan ng Ilocos Sur. | ulat ni Leo Sarne