Pinag-aaralan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung maikukunsiderang banta sa pambansang seguridad ang mga Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa.
Ito’y sa gitna ng sunod-sunod na natutuklasang iligal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga POGO, kung saan ang pinakahuli ay ang nadiskubre sa 10 hektaryang POGO sa Porac, Pampanga.
Sa pulong balitaan ng AFP, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na hindi pa nila direktang masabi kung may mga sundalo ng China na nagtatago sa mga POGO para gumawa ng lihim na pagkilos.
Ayon naman kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad na nasa proseso pa sila ng “connecting the dots” kaya nag-iingat sila sa kanilang pahayag.
Inamin naman ni Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad na “unusual” ang lumalaking presensya ng mga dayuhang Chinese sa bansa.
Ilan aniya sa mga ito ang nasasangkot sa krimen na maituturing lang na “common crimes”, at kasalukuyang tinitignan kung ito ay may mas malalim na kaugnayan sa pambansang seguridad. | ulat ni Leo Sarne