Mas mababang presyo ng bigas sa merkado ang inaasahan ng Philippine Statistics Authority sa pagtapyas ng taripa sa imported na bigas.
Ito kasunod na rin ng pagbibigay ng go signal ni Pang. Ferdinand R Marcos Jr. para tapyasan ang taripa ng imported na bigas ng hanggang 15% mula sa kasalukuyang ipinapataw na 35%.
Ayon kay PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, sa kanilang inisyal na pagtaya, lumalabas na aabot sa P6-P7 ang maaaring maging bawas sa bentahan ng kada kilo ng bigas na tiyak mararamdaman ng mga mamimili.
Magreresulta rin aniya ito sa mas mababang rice inflation na siya naman pangunahing nakakaambag sa pangkalahatang inflation sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Mapa na kailangan pa ring bantayan ang ilang factors gaya ng mataas na palitan ng piso sa dolyar na maaaring makaapekto sa presyo ng bigas.
Sa monitoring naman ng PSA, patuloy ang mabagal na pagbaba ang average na presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Maging sa world market ay bumababa rin aniya ang presyuhan ng bigas. | ulat ni Merry Ann Bastasa