Bagaman nananatiling mahal, mas mababa pa rin ang presyo ng luya sa Pasig City Mega Market kumpara sa ibang mga palengke.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nananatili sa ₱280 ang kada kilo ng luya na ₱100 mas mababa kumpara sa presyuhan ng luya sa ibang pamilihan noong isang linggo.
Nabatid na pumalo pa sa ₱380 hanggang ₱390 o halos ₱400 ang kada kilo ng luya bunsod ng marami nang pinagpasahan mula sa mga nagtatanim hanggang sa mga nagtitinda.
Maliban sa luya, tumaas din ng ₱10 ang kada kilo ng kamatis na nasa ₱70 ang kada kilo, habang ang sibuyas naman ay nasa ₱70 ang kada kilo ang puti at ₱80 kada kilo naman ang pulang sibuyas.
Gayunman, inasahang magkakaroon ng paggalaw muli sa presyo ng mga gulay at iba pang paninda bunsod naman ng ipinatupad na malakihang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo. | ulat ni Jaymark Dagala