Mas mapapabilis ang pagpapaunlad ng mga paliparan sa bansa dahil sa tulong ng pribadong sektor.
Ito ang inihayag ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Deputy Director General for Administration Danjun Lucas sa Kapihan sa Bagong Pilipinas.
Ayon kay Lucas, ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) ay nakatutulong upang matugunan ang mga problema sa kakulangan ng pondo at pagkaantala ng mga proyekto.
“Malaking tulong po ang funding na ini-infuse ng private sector, kasi hindi po lagi na may revenue source na nakukuha ang ating mga paliparan,” ani Lucas.
Dagdag pa ni Lucas, ang pagpasok ng pribadong sektor ay hindi lamang nagdadala ng malaking capital investment para sa pagpapagawa ng mga paliparan, kundi pati na rin ng mga makabagong teknolohiya.
Sa ngayon, patuloy ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang mas mapabuti pa ang serbisyo at pasilidad sa mga paliparan sa Pilipinas.| ulat ni Diane Lear