Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national matapos kilalanin itong isang pugante nang subukan nitong palawigin ang kanyang visa dito sa bansa.
Kinilala ang lalaking Chinese fugitive na si Luo Xinya, 27 anyos.
Ayon kay Raymond Remigio, Hepe ng BI Tourist Visa Section, natukoy si Luo na may umiiral na detention warrant sa China nang suriin ang kanyang pasaporte sa tanggapan ng BI.
Dito nadiskubre ng Special Investigator ng BI ang kanyang pagkakakilanlan bilang subject ng summary deportation order na inilabas noong 2023.
Agad namang dinala si Luo sa warden facility ng BI sa Bicutan, Taguig, matapos siyang maaresto ng Fugitive Search Unit ng BI at doon ay naghihintay para sa kanyang deportasyon.
Pinuri ni BI Commissioner Norman Tansingco ang kahusayan ng centralized system ng bureau sa pagtukoy sa mga may derogatory record sabay pagbibigay diin sa papel nito sa pambansang seguridad. | ulat ni EJ Lazaro