Sabay-sabay na lumabas ang mga kawani ng Quezon City Hall mula sa kani-kanilang tanggapan habang isinasagawa ang “duck, cover, and hold” bilang bahagi ng 2nd Quarter Simultaneous Earthquake Drill (NSED) eksaktong alas-dos ng hapon kanina.
Nagtipon ang lahat ng kawani sa mga itinalagang ligtas na lugar sa paligid ng Quezon City Hall compound.
Ang drill ay pinangunahan ng tanggapan ni Mayor Joy Belmonte, Vice Mayor’s Office, mga konsehal ng lungsod, Engineering Department, at City Treasury Office.
Ang mga tauhan naman ng QC Fire Department, QC Rescue Team, at City Disaster Risk Reduction and Management Department ang nagsilbing mga responder sa drill.
Nakasentro ang drill sa paglikas ng mga empleyado ng City Hall sakaling gumalaw ang West Valley Fault Line at magdulot ng malawakang pinsala sa Metro Manila.
Isinagawa ng pamahalaang lungsod ang drill bilang pakikiisa sa 2nd Quarter NSED na isinagawa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ngayong araw.
Makalipas ang 25 minuto ay pinabalik na sa kani-kanilang trabaho ang mga kawani ng Quezon City Hall. | ulat ni Diane Lear