Nag-abiso na ngayon ang Quezon City Local Government sa mga motorista sa posibleng pagbagal ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Elliptical Road at sa iba pang kalsada sa QC pagsapit ng June 22.
Ito ay dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga makikilahok sa Pride PH Festival March at Float Parade na gaganapin sa Quezon Memorial Circle.
Ayon sa QC LGU, magsisikip ang trapiko bandang hapon dahil magsisimula ang programa sa Quezon Memorial Circle ng alas-3 ng hapon sa linggo.
Sisimulan naman ang Pride PH Festival March sa Tomas Morato Avenue papuntang Timog Avenue, Quezon Avenue, hanggang Elliptical Road at papasok ng Quezon Memorial Circle (QMC) – Commonwealth Avenue Entrance Gate.
Magkakaroon din ng Pride PH Festival satellite venue sa Matalino Street at magsisimula ang simultaneous march sa Malakas Street corner Matatag Street papuntang East Avenue hanggang Elliptical Road at papasok ng Quezon Memorial Circle (QMC) – Commonwealth Avenue Entrance Gate.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng pamahalaang lungsod na tututukan ng Traffic and Transport Management Department (TTMD) at Department of Public Order and Safety (DPOS) ang pagsasaayos sa daloy ng trapiko sa mga nasabing lugar. | ulat ni Merry Ann Bastasa