Nagbabangka muna ang ilang residente sa Quezon City para makatawid sa kabilang bahagi ng San Mateo, Rizal matapos bumigay kahapon (June 5) ang makeshift na tulay na dinadaanan ng mga residente dahil sa malakas na pag-ulan.
Sa ulat ng Brgy. Bagong Silangan, tumaas ang tubig sa ilog at tinangay ng malakas na agos ang tulay na gawa sa mga kahoy.
Ayon naman sa ilang residente, karaniwan talagang nasisira ang tulay kapag malakas ang ulan kaya alternatibo nila ang pagsakay ng bangka na ₱10 ang pamasahe kada tawid.
Una na ring ininspeksyon ng QCDRRMO kagabi ang makeshift bridge at kinordonan na ito.
Wala namang naitalang nasaktan kasunod ng pagbigay ng kahoy na tulay. | ulat ni Merry Ann Bastasa