Naka-alerto na ang mga tauhan ng Philippine Red Cross (PRC) sa posibleng pagtindi ng sitwasyon kasunod ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon sa isla ng Negros.
Ayon kay PRC Chairperson at CEO Richard Gordon, naka-puwesto na ang mga kagamitan gayundin ay naka-antabay na rin ang kanilang mga tauhan partikular na ang Negros Occidental – Bacolod City Chapter para sa mobilisasyon.
Mahigpit aniya nilang binabantayan ang sitwasyon at agad kikilos ang kanilng PRC 143 volunteers sakaling kailanganing magsagawa ng pre-emptive evacuation.
Kasunod nito, binigyang-diin ni Gordon ang kahalagahan ng 4Ps o ang “Predict, Plan, Prepare, Practice” upang mapaghandaan ang sakuna.
Batay sa ulat ng PHIVOLCS, nagbuga ng makapal na usok ang Bulkang Kanlaon pasado alas-6 kagabi kung saan, itinaas ito sa Alert Level 2. | ulat ni Jaymark Dagala