Idineklarang unconstitutional ng Supreme Court (SC) ang regulasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nag-uutos sa mga self employed professionals na isumite ang mga rate at irehistro ang kanilang mga appointment book.
Sa desisyon ng Korte Suprema na si ulat ni Senior Associate Justice Marivic Leonen, sinabi nitong labag sa Konstitusyon at privacy ng mga kliyente ang Section 2 ng Revenue Regulations No. 4-2014 ng BIR.
Ang utos na ito ng BIR ay tumutukoy sa mga self employed professionals kung saan inatasan sila na isumite ang affidavit ng kanilang mga kinikita sa mga kliyente, paraan ng paniningil, at pagpapataw ng service fee.
Maliban dito, iniutos din ng BIR na irehistro ng mga self employed professionals ang kanilang mga appointment book na naglalaman ng pangalan ng kanilang mga kliyente, mga araw at oras ng kanilang meeting sa kliyente.
Naglabas din ang BIR noong 2014 ng registered receipt na nagpapakita ng 100% discount sa mga pro-bono cases na nagsasaad na walang kukunin na professional fees mula sa mga kliyente.
Kabilang sa mga tinukoy na self employed professionals ay mga abogado, doktor, Certified Public Accountant, engineers, at mga kahalintulad na mga professionals na hindi empleyado ng anumang kompanya.
Sabi ng Korte Suprema, nilabag ng BIR ang data privacy na nasa ilalim ng Konstitusyon nang ilabas nito ang nasabing Revenue Regulations.
Noong April 22, 2014 naglabas ng Temporary Restraining Order ang Korte sa kautusan ng BIR matapos maghain ng petisyon ang iba’t ibang professional associations. | ulat ni Mike Rogas