Nais malaman ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte kung ano na ang nagawa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para ipasara ang illegal gambling website ng mga POGO at kung may mga nasampahan na ng kaso.
Sabi ni Villafuerte, nang sumalang sa Commission on Appointments si DICT Sec. John Ivan Uy ay nangako ito na makikipagtulungan sa PAGCOR at NBI para ipasara ang mga iligal na online gambling at mga POGO operator at bet collectors.
“We would like to know from the IT expert Secretary Ivan (Uy) what the DICT, on his watch, has done so far as regards his 2022 commitment to close down the illegal online gaming sites and then throw the books at these POGOs that have been operating their homepages without Pagcor (Philippine Amusement and Gaming Corp.) permits,” sabi ni Villafuerte.
Sa kasalukuyan ayon kay PAGCOR chairman-CEO Alejandro Tengco mayroon 46 na POGO na binigyan ng lisensya para mag-operate.
Habang mayroon aniyang tinatayang 250 na POGO na tumatakbo na walang permit at maaaring sangkot sa krimen.
Kasama na rito ang dalawang kompanya na ni-raid ng mga awtoridad sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Suportado naman ni Villafuerte ang pahayag ni Speaker Martin Romualdez na maaaring ipagpatuloy ang operasyon ng mga POGO na sumusunod sa batas ngunit para sa mga hindi, ay dapat nang ipasara at kasuhan. | ulat ni Kathleen Forbes