Nais ipasiyasat ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang pag-isyu ng Special Resident Retiree’s Visas (SRRV), Special Investor’s Resident Visa (SIRV), at ang late registration of birth na siya umanong posibleng ginagamit sa pagdagsa ng mga Chinese nationals sa Pilipinas.
Nababahala ang mambabatas sa patuloy na pagdagsa ng mga Chinese nationals sa ating bansa at ang katanungan sa kung ano ang mga pinanghahawakan nilang dokumento para maka pagtrabaho sa bansa.
Tinukoy ng mambabatas ang datos ng Philippine Retirement Authority (PRA), kung saan sa mahigit 79,000 dayuhang retirees sa Pilipinas, higit sa 30,000 Chinese “retirees” ang pinayagan na permanenteng manirahan sa bansa.
Nakababahala rin umano na ang PRA ay tumatanggap ng retirees na hindi bababa sa 35 taong gulang mula noong 1991.
Ang edad na kinakailangan ay itinaas lamang sa 50 taong gulang noong Abril 2021.
“Isipin ninyo, 35 taong gulang na mga Chinese nationals ang binigyan natin ng SRRV? Ganyan ang edad ng kalakasan ng tao, bakit retirement visa ang gamit nila? E pwede nga silang sundalo sa edad na 35 taong gulang,” paliwanag ni Tulfo.
Inungkat rin ng mambabatas ang mga raid kamakailan sa mga establisyemento ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) kung saan natuklasan ang mga opisina, dormitoryo, villa, at iba pang mga pasilidad na nagpapahiwatig ng matagal na presensya at aktwal na pamumuhay sa loob ng mga dapat sana’y establisyemento ng negosyo.
“There are several processes and privileges in place that enable foreign nationals to enter and exit the Philippines and indefinitely stay for purposes of employment, investment, and retirement, including the issuance of the SRRV and SIRV by the Philippine Retirement Authority and the Board of Investors, respectively. While intended for legitimate purposes for the economic development of the country, the SRRV and SIRV may be prone to abuse, especially by Chinese nationals who wish to avail of exemptions from immigration requirements and certain taxes and fees, entitling them to work, study, invest, and freely transact with the Philippine government,” sabi pa ni Tulfo.
Kasama rin sa nais ipasilip ni Tulfo ang proseso ng late registration lalo na sa gitna ng kontrobersoyang kinasasangkutan ni Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.
“Possible circumvention of our laws through the existing policies on SIRV, SRRV, and delayed registration of births undermines the Philippine authorities and aids in the perpetration of illegal activities in the country committed by foreign nationals,” dagdag ng kongresista.| ulat ni Kathleen Forbes