Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa maayos na kalagayan ang mga Pilipinong tripulante na sakay ng MV Transworld Navigator na inatake ng grupong Houthi sa Red Sea.
Sa isang pulong balitaan ngayong hapon, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ligtas ang 27 mga Filipino seafarer at isa ang nagtamo ng minor injury.
Ayon kay Secretary Cacdac, kapag nakarating na sa ligtas na daungan ang nasabing barko agad na isasagawa ang repatriation para sa mga Filipino seafarer.
Sa ngayon, naglalayag pa rin aniya ang barko patungo sa ligtas na daungan.
Tiniyak naman ng DMW, na patuloy nitong tinututukan ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan na rin sa Department of Foreign Affairs at manning agency ng barko para sa isasagawang repatriation. | ulat ni Diane Lear