Hindi iniaalis ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad na magrekomenda rin ito ng pagtaas ng taripa sa imported na bigas bago matapos ang taon.
Sa isinagawang Media Kapihan sa PCCI forum, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na titignan muna ang implementasyon ng tapyas-taripa at saka ito isasalang sa review sa buwan ng Nobyembre.
Ayon sa kalihim, kapag nagresulta ito sa malaking pagbaba sa presyo ng kada kilo ng bigas sa merkado ay saka ikokonsiderang muli ang tariff hike.
Batay sa pinakahuling monitoring ng DA Bantay Presyo, naglalaro sa ₱48-₱51 ang kada kilo ngayon ng imported regular milled rice sa Metro Manila, at hanggang ₱55 kung imported well-milled rice.
Kasunod nito, muling tiniyak ni Agri Sec. Tiu Laurel na hindi pababayaan ang mga magsasaka sa ipatutupad na bawas-taripa.
Makakaasa rin aniya ang mga ito na patuloy na bibili ang National Food Authority (NFA) sa mga magsasaka sa mas mataas na presyo sakali mang walang magiging tariff adjustments matapos ang review. | ulat ni Merry Ann Bastasa