Bubuo ng bagong ordinansa ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan para magtalaga ng ‘basaan zone’ sa mga susunod na pagdiriwang ng Wattah-Wattah Festival.
Ito ay kasunod ng mga nangyaring panggugulo at sakitan ng ilang residente ng lungsod noong kasagsagan ng pista noong Lunes.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, simula sa susunod na taon isasagawa na lamang ang tradisyonal na basaan sa bahagi ng Pinaglabanan mula sa N. Domingo hanggang P. Guevarra Street gayundin ang ibang mga aktibidad.
Ibig sabihin nito ipagbabawal na ang basaan sa ibang lugar sa lungsod upang maiwasan ang kaguluhan.
Bagamat iikot pa rin naman aniya ang imahe ni San Juan Bautista na sasabayan ng blessing o basbasan.
Kanina, pormal nang nagsampa ng reklamo sa San Juan Prosecutor’s Office ang delivery rider na umano’y binasa at sinaktan sa kasagsagan ng Wattah-Wattah o Basaan Festival. | ulat ni Diane Lear