Hinikayat ni Senadora Nancy Binay ang National Food Authority (NFA) na simulan nang makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para matukoy ang mga lugar na labis na naapektuhan ng El Niño at ng pagbaha ng mga imported na bigas.
Ayon kay Binay, makakatulong ito para sa pagtukoy ng NFA kung anong mga lugar ang dapat nilang iprayoridad sa kanilang buying efforts.
Ipinunto ng senadora na mas mapapataas ang availability ng local rice sa mababang halaga kung magiging epektibo ang buying system ng NFA at kung masusuportahan ito ng mga kooperatiba.
Matutulungan aniya nito ang mga konsumer lalo na ang mga mahihirap na pamilya na magkaroon ng access sa de kalidad na bigas sa mas abot kayang halaga.
Idinagdag rin ni Binay na sa pamamagitan ng pagssagawa ng vulnerability mapping ay matutukoy ang mga maliliit na kooperatiba na nangangailangan ng tulong at mas mauunawaan ng NFA ang pangangailangan ng iba’t ibang rehiyon para makabuo ng mas epektibong mga programa.
Maaari aniyang kasama dito ang pagbibigay ng access sa storage facilities, farm-to-market road imporvements o financial assistance programs
Ipinahayag rin ng mambabatas na bagama’t gumagawa na ang senador ng mga hakbang para matugunan ang mga isyu, kailangan pa rin ng mas komprehensibo at patuloy na pagsisikap ng NFA para matiyak na sapat ang suporta sa mga Pinoy rice farmers at kaya nilang makipagkumpetensya ng patas sa merkado. | ulat ni Nimfa Asuncion