Nais ni Senate Committee on Agriculture Chairperson Senador Cynthia Villar na masuri ang database ng agriculture sector sa gitna ng mga espekulasyon na napopolitika na ito.
Sa naging pagdinig ng kanyang komite, pinunto ni Villar ang mga ulat na ang mga local agriculturists na ang nangangasiwa sa paglilista ng mga benepisyaryo ng Registry System for Basic Sectorsin Agriculture (RSBSA).
Ang RSBSA ay naglalaman ng impormasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Ito ang nagiging basehan sa pagdidisenyo ng mga programa at polisiya para sa naturang sektor.
Kaya naman nais ipa-check ng senador kung totoo ang mga impormasyon na ang mga local agriculturists ng mga lokal na pamahalaan ang naglilista ng mga benepisyaryo at ang isinasama umano ng mga ito sa listahan ay ang kanilang mga lider sa politika.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga magsasaka na nagmamay-ari ng lupang dalawang ektarya pababa ang dapat na kasama sa listahan ng mga benepisyaryo.
Iginiit ni Villar na may mga suhestiyon na dapat manggagaling sa DA ang mag-asikaso ng RSBSA para hindi ito mapolitika. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion