Hindi sinang-ayunan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang naging pahayag ng isang Chinese military official na nagdudulot ng tensyon ang suportang binibigay ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Ginawa ng isang Chinese military official ang pahayag na ito sa isinagawang Shangri-La Defense Forum nitong nakaraang linggo sa Singapore.
Giit ni Estrada, hindi paghahanda para sa giyera ang ginagawang Balikatan Exercises sa pagitan ng Pilipinas at US.
Kontento rin ang senador sa naging tugon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga tinanong sa kanya sa naturang pagpupulong.
Para sa mambabatas, kalmado at hindi combative ang mga naging tugon ni Pangulong Marcos.
Kasama ng Punong Ehekutibo sa naturang forum si Estrada dahil personal siyang inimbitahan ng mga organizer ng event.
Ibinahagi rin ng senador na sa naturang trip ay nagkaroon siya ng pagkakataong makausap ang Punong Ehekutibo tungkol sa mga priority bills ng administrasyon, na karamihan ay mga economic bills.
Nilinaw naman ng senador na hindi kasama sa mga napag-usapan nila ang panukalang chacha (charter change). | ulat ni Nimfa Asuncion