Para kay Sen. Sherwin Gatchalian, malinaw na nalusutan ang mga batas ng Pilipinas ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito ang binigyang diin ni Gatchalian sa gitna ng paninindigan na kumbinsido siyang ang tunay na pagkakakilanlan ng alkalde ay si Guo Hua Ping na isang Chinese.
Ayon kay Gatchalian, bagama’t isang Chinese matagumpay na nagkaroon ng Philippine documents si Guo gaya ng birth certificate, passport at iba pang legal na mga dokumento.
Dahil rin aniya sa mga dokumentong ito ay nagawang makakandidato ni Guo at nanalo pa bilang alkalde.
Pinunto pa ng senador na kung hindi natuklasan ang totoong pagkatao ni Guo ay maaari pa itong makatakbo sa mas mataas na posisyon sa gobyerno gaya ng pagiging congressman o gobernador.
Giniit ni Gatchalian na inabuso ng pamilya ni Guo ang mga batas ng Pilipinas kaugnay sa late registration kaya’t naideklara ang alkalde bilang Pilipino.
Tanong tuloy ng senador, ilan pa kayang ganitong posiblidad o insidente ang mayroon tayo sa ating bansa na hindi pa natutuklasan.
Kahapon ay inilabas ng mambabatas ang dokumento mula sa Board of Investment at Bureau of Immigration na nagpapakita ng pagkakakilanlan ni Guo.
Batay sa dokumento, pumasok si Guo bilang Guo Hua Ping sa Pilipinas nooong Enero 12, 2003 noong siya pa ay 13 taong gulang at ang kanyang ina ay si Lin Wenyi.| ulat ni Nimfa Asuncion