Kasama ang Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), nilibot at ininspeksyon ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang na-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Para kay Gatchalian, ito na ang pinakamalaki, pinabrutal at pinakabayolente na POGO hub na kanyang napuntahan.
Sinabi ito ng senador matapos personal na makita ang ilang mga ginagamit sa operasyon ng naturang POGO hub.
Maliban sa mga pre-registered SIM card, computers at text boosters na ginagamit sa pagpapalaganap ng text scams, nakita rin ang torture rooms at pornography rooms sa ilan sa mga gusali sa compound.
Sa mga torture room, makikita pa ang bakas ng dugo sa pader, sahig at kama ng ilang mga kwarto.
Samantalang sa mga tinatawag na ‘pornography rooms’ ay makikita pa ang mga ginamit sa paggawa ng sexually explicit videos gaya ng mga sex toys.
May isang gusali rin na tila nagsilbing prostitution den dahil sa unang palapag ay may KTV bar, sa ikalawang palapag ay may mga kwartong may kama at sa ikatlong palapag ay ang dorm na tinutuluyan ng mga babaeng ginagamit sa ganitong aktibidad.
Sa kabuuan, nasa 10 ektarya ang compound ng Lucky South 99 at mayroon itong 46 na gusali. | ulat ni Nimfa Asuncion