Kinalampag ni Senate President Pro Tempore at Senate Committee on National Defense Chairperson Jinggoy Estrada ang PAGCOR na agad nang ipasara ang mga iligal at walang lisensyang mga POGO sa bansa.
Ayon kay Estrada, maliban sa security concern sa mga POGO operations malapit sa ating military bases, may mga ulat din na nasa 250 na iba pang mga POGO ang nag-o-operate nang walang lisensya.
Ito na aniya ang dapat na maging hudyat para sa ating mga awtoridad na magsagawa ng crackdown.
Iginiit ng senador na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng PAGCOR sa Bureau of Immigration (BI) ay dapat nang ikansela ang mga visa ng mga dayuhang empleyado ng mga hindi lisensyadong POGO at ipatupad ang agarang deportation proceedings sa kanila.
Sinabi ni Estrada na walang mabuting naidudulot ang patuloy na pamamalagi ng mga POGO sa bansa dahil bukod sa hindi naman sila nagbabayad ng kaukulang buwis ay samu’t saring krimen at paglabag sa ating batas ang kanilang ginagawa. | ulat ni Nimfa Asuncion