Hinimok ni Senador Joel Villanueva ang Department of Interior and Local Government (DILG) na maging maagap at silipin ang tumataas na mga ulat ng pinaghihinalaang iligal na mga POGO sa mga exclusive subdivision.
Ayon kay Villanueva, siya mismo ay nakatanggap na ng mga ulat at mga reklamo tungkol sa mga POGO operations sa mga subdivision gaya sa Makati, Parañaque at iba pa.
Kabilang aniya sa mga reklamo ng mga residente ng exclusive subdivision ang labas-pasok ng mga mamahaling sasakyan at ang ingay na nagmumula sa mga iligal na POGO.
Dinadaing rin aniya ng mga residente ang kawalan na nila ng peace of mind dahil hindi nila alam ang ginagawa ng kanilang kapitbahay.
Sinabi ni Villanueva na handa siyang maghain ng resolusyon tungkol sa isyung ito.
Pero sa huli, ang puno’t dulo pa rin aniya ng problemang ito ay ang patuloy na pagpapahintulot sa mga POGO sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion