Hindi suportado ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang mga panawagan na ideklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na national security threat ang mga POGO.
Ayon kay Pimentel, hindi na kailangang dumating pa sa ganitong punto at isangkot pa ang national security.
Hindi na aniya kailangan pang gawing kumplikado ang usapin sa POGO.
Sa halip, giniit ng Minority leader na dapat ay ipagbawal na nang tuluyan ang mga POGO sa Pilipinas bilang public policy dahil labag sa ating pambansang interes ang pananatili ng mga POGO.
Paliwanag ng senador, ang pagpapanatili ng mga POGO sa Pilipinas para mahikayat ang mga dayuhan na magsugal online ay masama at maling polisiya.
Una nang iminungkahi ni Senador Risa Hontiveros ang pag-akyat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mga problemang dulot ng POGO at ideklara na ito bilang national security threat.
Sang-ayon rin si Senador Win Gatchalian sa suhestiyon na ito at sinabing dapat mag-isyu ng resolusyon ang National Security Council (NSC) para i-ban ang mga POGO sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion