Inaasahang makapagdudulot ng pag-unlad sa Negros Oriental, Negros Occidental at Siquijor ang bagong batas na magtatatag ng Negros Island Region.
Ginawa ni Senador Juan Miguel Zubiri ang pahayag matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Negros Island Region (NIR) Act ngayong araw, na isa sa mga priority measure ng administrasyon.
Bilang isang Negrense ay sinabi ni Zubiri na isa ito sa mga pangarap niyang maisabatas.
Ayon sa mambabatas, inaasahang makakatulong ang bagong batas na ito para mapalapit ang gobyerno sa mga Negrense.
Bago kasi naisabatas ang NIR Act, hiwa-hiwalay ang rehiyon ng Negros Oriental, Occidental at Siquijor.
Ang Negros Occidental ay bahagi ng Region 6 habang ang Negros Oriental at Siquijor ay bahagi ng Region 7.
Ang ganitong set up aniya ay kinokonsiderang mahal at abala para sa mga residente ng tatlong probinsyang ito.
Sa ngayon kasi ay kinakailangan pang magbiyahe sa Iloilo at Cebu para magtransaksyon sa kani-kanilang mga Regional Government office.
Dinagdag rin ni Zubiri, na makakahikayat rin ang batas na ito ng mas maraming mamumuhunan dahil mapapadali ang pagnenegosyo sa mga lalawigang ito.
Kaugnay nito ay nagpasalamat rin si Zubiri kay Pangulong Marcos sa pagpirma ng NIR act. | ulat ni Nimfa Asuncion