Masyado nang nagiging kakila-kilabot at magastos para sa mga Pilipino ang laki at lawak ng mga POGO sa bansa ayon kay Senadora Grace Poe.
Pinunto ni Poe na ayon sa mga awtoridad, sa laki at lawak ng na-raid na POGO sa Porac, Pampanga ay kakailanganing higit isang linggo para ma-inspeksyon ang naturang pasilidad.
Ipinaliwanag ng senadora na sa bawat operasyon kontra sa isang POGO, gumagastos ang gobyerno ng milyon-milyon para sa mga kinakailangang tauhan, pagkain at matutuluyan ng mga na-rescue, deportation, pagsasampa ng mga kaso at iba pang kaugnay na gastusin.
Base aniya sa mga nakita na natin nitong mga nakaraang buwan at araw, higit na pinsala at abala lang ang dulot ng mga POGO sa ating bansa kaysa sa benepisyo.
Kaya naman muling ipinapanawagan ni Poe ang pagkakaroon na ng ganap na polisiya sa pagpapatigil ng POGO operations sa Pilipinas.
Aniya, sa pamamagitan nito ay hindi lang matutuldukan ang ilegal na mga aktibidad ng mga POGO.
Kapag tuluyan nang ipinagbawal ang mga POGO ay mas mailalaan na rin ang mga resources ng gobyerno sa pangangailangan ng mga Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion