Nanawagan si Senate committee on public works chairman Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa Toll Regulatory Board (TRB) na bilisan na ang paglalabas ng pormal na resolusyon para sa pagpapatupad ng 30-day toll holiday sa ilang bahagi ng CAVITEX.
Matatandaang una nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inisyatibo ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na suspendihin ang koleksyon ng toll sa ilang parte ng CAVITEX.
Giit ni Revilla, hindi ito pwedeng i-delay lalo’t mismong ang punong ehekutibo ang nag anunsyo nito.
Malaking bagay aniya ang toll holiday na ito para mabawasan ang gastos ng mga motorista, lalo na sa gitna ng mataas pa ring presyo ng krudo.
Kaya naman sinabi ng mambabatas na hindi na dapat patagalin at ilabas na ang resolusyon para mapakinabangan na ng ating mga kababayan ang libreng daan sa mga parte ng CAVITEX.
Una nang sinabi ng Public Estates Authority Tollway Corporation (PEATC), subsidiary ng PRA, na sa oras na ilabas ng PRA ang resolusyon ay agad nilang ipapatupad ang 30-day toll suspension.| ulat ni Nimfa Asuncion