Sen. Revilla, pinangunahan ang ika-126 na selebrasyon ng Araw ng Kasarinlan sa Cavite

Facebook
Twitter
LinkedIn

Bilang isang tunay na dugong Kabitenyo ay pinangunahan ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng bansa Miyerkules ng umaga, June 12, na ginanap sa Dambana ni Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite.

Si Revilla na siyang panauhing pandangal para sa kasalukuyang taong paggunita ng kalayaan ng bansa ay pinangunahan ang pag-aalay ng bulaklak sa libingan ni Pangulong Emilio Aguinaldo at pinangunahan din ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa isinagawang seremonya sa tanyag na balkonahe sa dambana.

Sa kanyang maikling pananalita ay inihayag ng mambabatas ang kabayanihang ipinamalas ng mga pinagpipitagan na ninuno sa bansa na naging dahilan ng kalayaan ng Pilipinas mula sa kamay ng mga mananakop na kahit kailanman ay hindi matatawaran at hindi makalilimutan.

“Daang taon man ang lumipas, hindi malilimutan ang dakilang sakripisyo ng ating mga ninuno. At magpakailanman, ito ay tatanawin nating utang na loob sa kanilang nag-alis ng tanikalang bumihag sa ating inang bayan, sa kanilang nag-alay ng dugo at buhay upang makamtan ang mga tinatamasa nating kasaganaan, kapayapaan at kalayaan,” bahagi ng pahayag ni Revilla.

Binigyang-diin ni Revilla na ang katatagan at determinasyon ng mga Pilipino sa pagharap sa mga pagsubok ang naging dahilan upang makamit natin ang minimithing kalayaan.

“Kasaysayan ang testigo sa mga landas na ating tinahak, at ito na rin mismo ang saksi sa katotohanang hindi bago sa atin ang mga pagsubok. Ngunit anumang hagupit ng tadhana, hindi nagpatinag ang lahing Pilipino na pinanday na ng panahon. Isang bayang hindi na muling magpapagapi. Isang bayang paulit-ulit na itataas ang bandilang simbolo ng kapayapayan, kasarinlan at katarungan. Ito mismo ang taunan nating ipinagdiriwang — ang diwang walang maliw ang kabayanihan at kadakilaan,” madamdaming pahayag ni Revilla.

Pinakabuod ng mensahe ni Revilla ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagpapaalala sa mga Pilipino hinggil sa nakaraang pinagdaanan para sa Kalayaan at ang patuloy na pagbibigay ng proteksyon upang ipaglaban ang ating soberanya.

“Ito ang kahalagahan ng araw na ito, na ipaalala sa ating mga kababayan, lalo na sa ating mga kabataan, ang dugong dumaloy upang makamit ang mga mithiin at pangarap ng bayang hindi namuli magpapabihag. Lalo na at sariwa pa sa ating gunita ang tila muling panunubok sa ating soberenya. Higit na kailangang magningas ang kabayanihang handang salagin ang anumang sibat na banta sa ating kasarinlan, Sa ating pinagkaisang tinig at pagpupunyagi, hindi na muling makakapaghari-harian ang sinumang dayuhang nagnanasang lapastanganin at pagsamantalahan ang ating bayan. Wala nang pwersang maaaring magpatahimik sa bayang natuklasan na ang talawtaw ng kanyang tinig,” dagdag pa ni Revilla.

Taong 1988 sa panahon ng ika-100 taon ng Philippine Independence ay ginampanan ni Revilla, na noon ay Cavite Governor, ang papel bilang Pangulong Emilio Aguinaldo sa Centennial celebration ng bansa.

Ang pagdiriwang ng Philippine Independence Day ay mahalaga sa Kawit, Cavite, dahil ito ang Kalayaan natin mula sa kamay ng mga Kastila at ito rin ang panahong iprinoklama ni Pangulong Aguinaldo ang kalayaan noong ika-12 ng Hunyo 1998.

Bukod sa Kawit, Cavite, ang ika-126 na Araw ng Kalayaan ay sabay na ginugunita rin sa Rizal Park sa Manila, Barasoain Church sa Bulacan, Pinaglabanan Memorial Shrine sa San Juan City, Mausoleo delos Veteranos dela Revolucion sa Manila, Andres Bonifacio National Monument sa Caloocan City, at Museo ng Kasaysayang Panlipunan ng Pilipinas sa Pampanga. | ulat ni Mike Rogas

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us