Naniniwala si Senate President Chiz Escudero na kwalipikado si Senador Sonny Angara sa posisyon bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ang pahayag na ito ng Senate leader ay sa gitna ng impormasyong isa si Angara sa mga kinokonsidera ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang susunod na kalihim ng DepEd.
Ayon kay Escudero, tinanong siya ng ilang taong malapit kay Pangulong Marcos kung sino ang sa tingin niyang maaaring ipalit bilang susunod ng DepEd secretary, at tanging si Angara lang aniya ang naisagot niya.
Hindi naman alam ni Escudero kung nakaabot kay Pangulong Marcos ang sinabi niyang ito.
Wala namang plano ang senador na direktang iendorso si Angara sa Pangulo lalo na aniya ngayong naniniwala siyang mayroon nang nasa isip ang Punong Ehekutibo na mailagay sa posisyon.
Samantala , maging si Senador JV Ejercito ay umaasang maikokonsidera si Angara sa posisyon bilang kalihim ng Education Department. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion